-- Advertisements --

Naniniwala si Rep. Joel Chua na magpapatuloy nang maayos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng biglaang pagbabago ng pamunuan sa Senado, kung saan si Sen. Alan Peter Cayetano ang nahalal na bagong Senate President matapos maalis si Sen. Tito Sotto noong Mayo 11, 2026.

Ayon kay Chua, tiwala siya na si Cayetano, bilang isang beteranong abogado at dating Speaker ng Kamara, ay kikilalanin ang kanyang konstitusyonal na tungkulin na agad mag-convene ng impeachment court sa oras na matanggap ang Articles of Impeachment mula sa House of Representatives.

Matatandaang bumoto ang Kamara ng 257-25-9 pabor sa impeachment ni Duterte, ikalawa na mula nang siya ay maupo bilang Bise Presidente.

Ang mga kasong nakapaloob sa Articles of Impeachment ay kinabibilangan ng misuse ng confidential funds, unexplained wealth, bribery, at umano’y death threats laban sa mga opisyal ng gobyerno.

Dagdag pa ni Chua, matibay ang ebidensiya laban kay Duterte batay sa mga dokumento mula sa SALN, Anti-Money Laundering Council (AMLC), Securities and Exchange Commission (SEC), at Commission on Audit (COA) na nagpapakita ng hindi tugmang datos sa kanyang yaman at mga bank transactions.

Sa kabila ng pangamba ng ilan na ang bagong pamunuan ng Senado ay maaaring magdulot ng pagkaantala, iginiit ni Chua na ang Saligang Batas mismo ang nagtatakda na ang Senado ay dapat agad mag-convene bilang impeachment court, kaya’t hindi dapat maapektuhan ang proseso.