-- Advertisements --

Kinumpirma ni Senate Ad Hoc Committee chairperson Sherwin Gatchalian na magsasagawa ng unang pagdinig ang komite sa Martes, Marso 24 kaugnay sa epekto ng krisis ng lumalalang tensyon sa Middle East sa bansa.

Sa isang panayam sinabi ni Gatchalian na susuriin ng komite kung sapat ang pondo sa General Appropriations Act 2026 upang tugunan ang epekto ng krisis na dulot ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel at Iran. Aniya, sa ika-22 araw ng digmaan, dapat ay may nakahanda nang mga hakbang ang pamahalaan para tulungan ang mga direktang apektado tulad ng mga tsuper at motorista na tinatamaan ng mataas na presyo ng langis.

Dagdag pa ng senador, maaaring maapektuhan ang food security dahil sa pagsasara ng Strait Hormuz na siyang mahalagang ruta sa pandaigdigang kalakalan ng langis, natural gas at maging fertilizer.

Dahil sa tindi ng sitwasyon, itinakda ni Gatchalian ang pagdinig kahit naka-break ang Kongreso sa panahon ng Holy Week. Aniya, kailangang magsumite ang mga ahensya ng gobyerno ng kani-kanilang contingency plans na maaring pag-isahin, kabilang ang paghahanda sa worst-case scenarios.

Kaugnay nito, iminungkahi ng senador ang pagtitipid ng pamahalaan, kabilang ang, pagbabawas ng work travel, paglipat sa online trainin at limitasyon sa representation expenses na maaring umanong umabot sa P90 bilyon ang matitipid ng gobyerno sa ganitong hakbang.

Samantala, sa gitna ng krisis nanawagan naman si Gatchalian sa mga oil companay na huwag samantalahin ang sitwasyon. Umaasa aniya siya na magkakaroon ng konsensya ang mga ito at iiwas sa hoarding at hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng langis.