-- Advertisements --

Posibleng humiling umano si Acting Senate President Sherwin Gatchalian ng special Senate session kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa mga naantalang mga legislative agenda dahil sa sunod-sunod na pagpapalit ng liderato sa Mataas na Kapulungan ng Senado ng mga nakaraang linggo. 

Ayon kay Gatchalian, kasalukuyang tinatapos nila ang listahan ng mga panukalang batas at mga appointment na hindi naaasikaso kung sakaling aprobahan ang special session ng Palasyo. 

Kabilang sa tinututukan ang kumpirmasyon ng ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang limang heneral na maaari umanong maapektuhan ng pagkaantala ng Commission on Appointments (CA) deliberations.

“Pinag-aaralan namin kung ano talaga ang dapat mauna, lalo na ‘yung mga appointment na may deadline at may epekto sa serbisyo ng ating AFP,” ani Gatchalian.

Giit ng acting Senate President, hindi lamang ito usapin ng administrative delay kundi ng aktuwal na epekto sa operasyon ng gobyerno, lalo na sa hanay ng mga uniformed personnel na naghihintay ng kumpirmasyon ng promosyon.

Sa ilalim ng umiiral na sitwasyon, hindi pa rin ganap na nabubuo ang Commission on Appointments (CA) at ilang Senate committees, kasunod ng ilang beses na pagbabago sa liderato ng Senado mula Mayo hanggang Hunyo.

Dahil dito, lumalakas ang panawagan sa loob ng ilang sektor ng Senado na gamitin ang kapangyarihan ng Pangulo na magpatawag ng special session upang maipagpatuloy ang nakabinbing trabaho ng lehislatura.

Ayon sa Malacañang, bukas ang Pangulo sa ganitong hakbang kung may pormal na kahilingan mula sa Senado at malinaw na listahan ng urgent agenda.