-- Advertisements --

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senado sa Hulyo 1 kaugnay ng madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, Leyte na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng labinlima pa.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros, pangungunahan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ang pagdinig upang alamin hindi lamang ang detalye ng insidente kundi pati ang posibleng epekto ng online radicalization sa mga kabataan.

Sinabi rin ni Hontiveros na nais nilang siyasatin kung may papel ang ilang online platforms sa pagpapalaganap ng mararahas na kaisipan at kung ginagamit ang mga ito ng mga grupong nangma-manipula at nag-uudyok sa mga bata na gumawa ng karahasan.

Batay sa ulat ng mga awtoridad, dalawang menor de edad na edad 14 at 15 ang itinuturong sangkot sa pamamaril.

Matatandaang sa pagdinig ng Senado noong Abril, lumabas ang alegasyon na may mga online platform at gaming spaces na ginagamit umano upang impluwensiyahan at i-radicalize ang ilang kabataan.

Samantala, iniimbestigahan din ng Philippine National Police kung may kaugnayan ang online game na GoreBox sa naging marahas na pag-uugali ng dalawang kabataang sangkot sa insidente.

Sa lugar ng pamamaril, nakarekober ang mga awtoridad ng 40 basyo ng bala, isang .38-caliber revolver, at isang 9mm Glock pistol.