-- Advertisements --

Tinutulan ni Senator Risa Hontiveros ang panukalang paggamit ng nuclear energy bilang pangmatagalang solusyon sa mataas na presyo ng kuryente at kakulangan sa suplay ng enerhiya sa bansa.

Ginawa ng senadora ang pahayag kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27 na pag-aralan ng Kongreso ang nuclear energy bilang bahagi ng plano ng pamahalaan na palakasin ang sektor ng enerhiya sa bansa.

Ayon kay Hontiveros, hindi siya sang-ayon dito dahil wala umanong sariling pinagkukunan ang Pilipinas ng mga raw materials na kailangan sa paglikha ng nuclear energy.

Sinabi rin ng mambabatas na ang lahat ng radioactive materials ay kakailanganing angkatin mula sa ibang bansa, at hanggang ngayon daw ay wala pa umanong tiyak na sistema ang Pilipinas para sa ligtas na pagtatapon ng radioactive waste.

Sa halip, iginiit ni Hontiveros na dapat pagtuunan na lamang ng pansin ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng mga renewable energy sources na likas na mayroon ang bansa, gaya ng solar, hangin, at iba pa.

Binigyang-diin pa ng senadora na marami pang renewable energy resources sa Pilipinas ang hindi pa lubos na napauunlad at mas ligtas umano ang mga ito kumpara sa nuclear energy.