Binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros ang pangangailangang maprotektahan ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kasabay ng pagtalakay sa panukalang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 2027.
Ayon kay Hontiveros, dapat manatiling puhunan sa kinabukasan ng mahihirap na pamilya at kanilang mga anak ang 4Ps, kaya hindi dapat magtapos sa pagkawala ng cash grant ang suporta ng pamahalaan sa mga pamilyang nakatapos na sa programa.
Binigyang-diin ng senadora na dapat magkaroon ng malinaw na oportunidad ang mga pamilyang makapagtapos sa 4Ps na makapagpatuloy sa edukasyon, magkaroon ng kasanayan at trabaho, makapagsimula ng kabuhayan, at patuloy na makinabang sa mga pangunahing serbisyo.
Giit ni Hontiveros, hindi maituturing na tunay na pag-angat mula sa kahirapan ang pagtatapos sa programa kung mawawala lamang ang benepisyo nang walang sapat na suporta para sa susunod na yugto ng buhay ng mga pamilya.














