-- Advertisements --

Isinusulong nina Senador JV Ejercito at Senador Risa Hontiveros ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2 o Masterplan on Infrastructure and National Development (MIND) Act, na layong gawing mas maayos, transparent, at pangmatagalan ang pagpapatupad ng mga proyekto sa imprastraktura.

Ayon kay Ejercito, makatutulong ang panukala upang mapabilis ang pag-unlad ng iba’t ibang rehiyon, makalikha ng mas maraming trabaho, at maiwasan ang mga iregularidad sa pagpili at pagpapatupad ng mga infrastructure projects.

Aniya, titiyakin din ng panukala na magpapatuloy ang mahahalagang infrastructure projects kahit magpalit pa ang administrasyon.

Nilalayon din daw bng MIND Act na wakasan ang last-minute budget insertions sa bicameral conference committee at bigyan ng mas malaking papel ang mga lokal na pamahalaan at regional development councils sa pagtukoy ng mga prayoridad na proyekto sa kanilang lugar.

Samantala, sinabi ni Hontiveros na mahalaga ang pagkakaroon ng isang komprehensibong masterplan upang maiwasan ang mga hindi kinakailangan, mahal, at kuwestiyonableng proyekto.

Aniya, kapag walang malinaw na plano, nagiging magulo ang paggastos ng pondo ng gobyerno at maaaring hindi matugunan ang tunay na pangangailangan ng mga komunidad.

Sa ilalim ng panukalang batas, bubuo rin ng pangmatagalang infrastructure plan na magsisilbing gabay sa pamahalaan sa pagpili, pagpapatupad, at pagmomonitor ng mga pangunahing proyekto sa buong bansa.