-- Advertisements --

Pansamantalang ipinag-utos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pag-block sa access sa online game na GoreBox kasunod ng madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes ng umaga, Hunyo 22.

Ayon sa mga awtoridad, isa sa mga menor de edad na suspek sa insidente ay sinasabing nalulong sa naturang online game, batay sa paunang ulat ng Police Regional Office 8 (PRO-8).

Bilang tugon, sinabi ng CICC na isasailalim muna sa pansamantalang block ang nasabing gaming application habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“We are blocking Gorebox temporarily as a precautionary measure pending the investigation. Within the day, expect the app to be blocked,” pahayag ni CICC Undersecretary Aboy Paraiso.

Dagdag pa niya, hindi maaaring balewalain ang posibleng impluwensya ng online content sa nangyaring insidente.

“We cannot ignore possible online influences that may have contributed to this tragic incident,” aniya.

Ayon sa CICC, ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na pagsusuri upang matukoy kung may direktang ugnayan ang laro sa karahasang naganap.

Samantala, nakatakda ring magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa Hulyo 1 kaugnay ng naturang insidente, na naglalayong talakayin ang papel ng online platforms sa posibleng pagkalantad ng kabataan sa mararahas na impluwensya.