-- Advertisements --

Ibinahagi ni Senador Robin Padilla ang kanyang pagdalaw sa burol ng pumanaw na Ateneo Blue Eagles basketball player na si Rene Baterbonia, na nakaburol sa Arlington Memorial Chapels and Crematory sa Quezon City.

Sa Facebook post ng senador nitong Huwebes, Hunyo 11, makikitang suot niya ang basketball jersey ng 19-anyos na atleta habang nagbibigay-pugay sa yumaong binata.

Si Baterbonia ay kabilang sa mga nasawi sa insidente ng pagkalunod na naganap sa isang beach sa Aurora sa isinagawang team-building activity at training kasama ang Nigerian student-athlete na si Divine Adili.

Kalakip ng mga larawan ang mensahe ni Padilla na, “The world was his, but gone too soon!”

Sa isa pang larawang ibinahagi, makikita rin ang pag-fist bump ng senador, isang kilos na madalas iugnay sa dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa kanyang mga tagasuporta.

Samantala, magkakaibang reaksiyon naman mula sa mga netizen ang natanggap ng senador. May mga nagpahayag ng suporta at paghanga sa ipinakitang pakikiramay ni Padilla, habang may ilan ding bumatikos at nagsabing tila nakikisabay lamang ito sa usap-usapang isyu hinggil sa pagkamatay ng atleta.

Kabilang sa mga pinuna ng ilang netizen ang pagsusuot ni Padilla ng jersey ng pumanaw na manlalaro.

May mga netizen namang nagtanggol sa senador at nagsabing kusang lumapit ang pamilya ni Baterbonia upang humingi ng tulong, na agad namang tinugunan ni Padilla.

Kabilang sa mga komento ng netizens ang papuri sa mabilis na pagtulong ng senador at panawagang tulungan ang pamilya ng atleta na makamit ang hustisya.

Gayunpaman, may ilan ding nagtanong sa motibo ng pagdalaw at nagpahayag ng kanilang hindi pagsang-ayon sa ilang simbolong ipinakita sa mga larawan ng senador.