Papalo sa halos P245 million ang net worth o kabuuang yaman ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ngayong 2025.
Batay sa kanyang inilabas na net worth, umabot sa P244,940,509.60 ang kabuuang yaman ni Lacson nitong June 30, 2025 nang magbalik siya sa Senado — malayo sa P58,771,409.62 noong June 30, 2022 noong umalis siya sa Senado bilang senador.
Ayon sa senador, ang pagtaas ng kanyang yaman ay bunsod ng lehitimo at matagumpay na mga negosyo sa real estate at trading na kanyang pinasok kasama ang dalawang business partners matapos siyang magretiro pansamantala sa politika noong 2022.
Batay din sa kanyang Income Tax Return (ITR), nagbayad siya ng P4,817,265 para sa taxable year 2021, at P11,834,033.37 para sa taxable year 2024 — indikasyon ng malaking pagtaas sa kanyang kita sa nakalipas na tatlong taon.
Tiniyak ni Lacson na magbibigay pa siya ng karagdagang detalye hinggil sa kanyang 2025 SALN, kabilang ang mga ITR para sa 2023 at 2024, sa oras na makumpleto ang mga dokumento.