-- Advertisements --

Pormal nang sinampahan ng reklamo sa Department of Justice (DoJ) ni Atty. Rico Quicho si Sen. Koko Pimentel dahil sa umano’y paglabag sa quarantine protocol na umiiral, kahit ito ay ikinokonsidera na bilang person under investigation (PUI).

Magugunitang inamin ni Pimentel na nagtungo siya sa Makati Medical Center (MMC), para samahan ang manganganak na asawa.

Pero habang nasa ospital, lumabas ang resulta na positibo ito sa COVID-19.

Bukod dito, dumalo pa ang senador sa ilang okasyon at nag-grocery, kahit ipinagbabawal sa mga PUI na makihalubilo sa ibang tao.

Ayon kay Quicho, walang pagsisi si Pimentel sa mga ginawa nito kaya dapat umanong mapanagot.

Bagama’t may isinasagawa nang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI), mas mainam pa rin umanong may pormal na reklamo laban sa mambabatas.

Para sa panig ni Pimentel, tiniyak nitong haharapin ang mga isyu sa oras na gumaling na siya sa COVID-19.