-- Advertisements --

Nagpaabot ng liham si Sen. Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang hilingin ang pansamantalang pag-relieve sa puwesto ng ilang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI), matapos ang kaguluhan sa Senado.

Kabilang sa mga pinangalanan ng senadora sina NBI Director Atty. Melvin Matibag, NBI-NCR Chief Atty. Emeterio Dongallo Jr., at NBI-Organized and Transnational Crime Division Chief Atty. Jerome Bomediano.

Ang kahilingan ay kaugnay ng imbestigasyon sa Senate standoff na naganap kagabi, kung saan naniniwala ang mambabatas na makabubuting pansamantalang alisin muna sa puwesto ang mga nabanggit na opisyal habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.

Hangad ng hakbang na ito na matiyak ang pagiging patas at maayos ng imbestigasyon, at maiwasan ang anumang posibleng impluwensiya mula sa mga opisyal na direktang sangkot sa insidente.

Ang mensahe ay panawagan mula sa senadora upang mapanatili umano ang integridad ng proseso at mabigyan ng tiwala ang publiko sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Wala pa namang pahayag si pangulong Marcos sa mensahe ng kaniyang nakatatandang kapatid.