-- Advertisements --

Tumanggi si Sen. JV Ejercito na pirmahan ang final report ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa anomalyang bumabalot sa flood control projects.

Ito ay dahil sa hindi pagkakasama ng mga tinawag nitong ‘cong-tractors’ o yaong mga miyembro ng Kamara de Representantes na may construction firms na dati nang pumasok sa ilang government contracts.

Ayon kay Ejercito, hangga’t hindi naisasama ang mga ito sa listahan ng pangalang inirerekumenda ng komite para sa preliminary investigation, hindi niya ito pipirmahan.

Manantili kasi aniyang ‘incomplete’ ang naturang report hangga’t wala ang mga naturang opisyal, bilang pangunahing personalidad na nasa likod ng nabunyag na multibillion-peso scandal.

Una nang nag-leak ang isang partial report mula sa naturang komite kung saan inirekumenda nitong makasuhan ang ilang mga senador tulad nina Sen. Chiz Escudero, Sen. Joel Villanueva, at Sen. Jingoy Estrada, ngunit kinalaunan ay binago rin ang ginamit na terminolohiya.

Mula sa dating ‘recommended to be charged’, pinalitan ito ng makapangyarihang komite ng ‘undergo preliminary investigation’, ngunit parehong pangalan pa rin ang nakasali sa naturang listahan.

Gayonpaman, tanging apat mula sa siyam na senador pa lamang ang pumipirma sa naturang report. (report by Bombo Gelo )

S