Ipinagtanggol ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte laban sa mga alegasyong maaaring may kaugnayan siya sa tinatawag na “Operation Romanov.”
Ginawa ito ni Cayetano matapos magbigay ng bagong pahayag si NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa ikalimang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagtatanong nina Senator-Judges Raffy Tulfo at Panfilo “Ping” Lacson, sinabi ni Lotoc na ang umano’y target ng banta ay hindi si VP Sara, kundi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang pamilya.
Ayon kay Lotoc, nakita umano ng mga imbestigador ng NBI ang isang statement ni Mayor Baste Duterte sa isang rally noong Enero kung saan binanggit nito ang sinapit ng Romanov family ng Russia bilang babala kay Pangulong Marcos.
Ang Romanov family ang huling dinastiya ng mga tsar sa Russia na pinaslang noong 1917 matapos ang Bolshevik revolution.
Gayunpaman, sinabi ni Cayetano na hindi dapat agad ikonsidera bilang banta ang pahayag ni Mayor Duterte. Aniya, may pagkakaiba ang isang babala at isang tahasang pagbabanta.
“It’s fair that you mentioned him. It’s fair that you mentioned him in your investigation. But I don’t think we should draw a conclusion here that Mayor Baste was threatening the First Family,” paliwanag ni Cayetano.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang maging maingat ang impeachment court sa pagbibigay ng konklusyon, lalo na’t hindi pa malinaw kung ang pagbanggit sa “Romanov” ay may direktang kaugnayan sa isang plano o isa lamang simbolismo.
Ayon pa kay Cayetano, dapat maging patas ang korte hindi lamang sa First Family kundi pati na rin kay Mayor Baste Duterte at sa pamilya Duterte habang nagpapatuloy ang pagdinig.
















