-- Advertisements --

All systems go na raw ang seguridad na inilatag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isang statement, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Felipe Natividad na ang final security preparation at naisapinal na para siguruhin ang matagumpay at zero casualty maging ng ano mang untoward incident sa Hunyo 30.

Aniya, wala naman daw silang namo-monitor hanggang sa ngayon na mga banta pero patuloy na rin daw ang kanilang monitoring at koordinasyon sa kanilang mga counterparts.

Dagdag ng heneral, ilan sa mga kalsada ay isasara na mayroong 1-kilometer radius at idedeklara naman sa National Museum na no-fly zone para sa mga eroplano maging ng mga drones.

Magsasagawa rin ang PNP ng inspection sa ilang ports at waterways na malapit na mga establishment sa lugar.

Mahigpit ding ipatutupad ang gun ban simula alas-6:00 ng umaga ng Hunyo 27 at magtatapos ito dakong alas-6:00 ng gabi sa Hulyo 1.

Ang mga police at military at ilang law enforcers daw na mayroong official duties na nakauniporme ang otorisadong magdala ng baril.

Inabisuhan naman ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta dahil asahan na raw ang mabigat na daloy ng trapiko partikular sa mga kalsadang patungo sa National Museum.

Hindi rin papayagan ang mga backpacks sa lahat ng VIP areas para siguruhin ang kaligtasan ng bawat isa.