Kinumpirma ni National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad ang plano ng pamahalaan na mas laliman pa ang military ties nito sa Taiwan.
Ayon kay Trinidad, mayroon nang pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan para gawing regular ang transit o pagdaan ng mga barkong pandigma sa Taiwan Strait, ang karagatang naghihiwalay sa mainland Taiwan at China.
Ang naturang hakbang aniya ay bahagi ng pagnanais ng bansa na mapalalim pa ang ugnayang-militar sa pagitan ng bansa at ng Taiwan.
Maaari rin aniyang maging daan ito para sa tuluyang pagpasok ng formal joint military activities sa pagitan ng dalawa.
Naniniwala si Trinidad na mas madalas na ring makikita ang cross-strait transit ng mga warship ng Pilipinas at Taiwan, lalo na sa mga susunod na araw kung saan inaasahan na maisasapormal ito.
Ayon sa Navy official, nais ng pamahalaan ng Pilipinas na gawin itong long-term, at hindi lamang pansamantalang ugnayan.
Sa kasalukuyan, walang official diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at ng Taipei dahil sa pagpabor at pagsunod ng bansa sa One China policy.