-- Advertisements --

Inanunsyo ng Holy See Press Office na gaganapin ang Misa Pro Eligendo Romano Pontifice o Misa para sa halalan ng bagong Santo Papa sa Miyerkules, Mayo 7, 2025 ng alas-10 ng umaga (alas-4 ng hapon, oras sa Manila) sa St. Peter’s Basilica, sa pangunguna ni Cardinal Giovanni Battista Re, Dean of the College of Cardinals.

Samantala, sa Lunes, Mayo 5, 2025, pasado alas-5:30 ng hapon (alas-11:30 ng gabi, oras sa Manila), gaganapin ang panunumpa ng mga opisyal at kawani ng Conclave sa Pauline Chapel ng Vatican Apostolic Palace. Kabilang sa mga manunumpa ay mga pari, madre, doktor, guwardiya, at iba pang mga tauhan sa lugar.

Pormal na magsisimula ang Conclave sa Miyerkules, Mayo 7, alas-4:30 ng hapon (alas-10:30 ng gabi, oras sa Manila) kung saan ang mga Cardinal Electors ay papasok sa Sistine Chapel upang simulan ang proseso ng pagboto para sa susunod na Santo Papa.

Ang mga Cardinal ay magsusuot ng tradisyonal na kasuotang pansimbahan at dadaan sa espiritwal na prusisyon patungo sa Sistine Chapel habang inaawit ang Veni Creator Spiritus.

Mahigpit ang ipapatupad na seguridad at limitado lamang ang makakapasok sa loob ng Conclave.