Nasa maayos na kalagayan ngayon si Defense Secretary Delfin Lorenzana, matapos na mahilo habang dumadalo sa programa ng ika-124th Independence Day ngayong araw, June 12,2022.
Ayon kay DND head Executive Assistant Peter Paul Galvez, stable ang kalagayan ng kalihim at kasalukuyang nagpapahinga sa isang pribadong hospital.
” Papahingain muna namin kasi puyat, galing siya sa Singapore, tapos the past few days puyat din siya, daming ginagawa,” pahayag ni Galvez.
Nilinaw ni Galvez, na hindi nag collapse ang kalihim at conscious ito.
Samantala, ayon naman kay DND Spokesperson Arsenio Andolong, batay sa impormasyon na ibinigay sa kaniya, nais na ng kalihim na umuwi pero pinigilan siya ng mga doktor, dahil patuloy pa ang ginagawang obserbasyon sa kaniya.
Kasama ngayon ng kalihim ang kaniyang misis sa hospital.
Sinabi ni Andolong na biglang nanlabot si Secretary Lorenzana kaya bigla itong nahilo.
Kararating lang sa bansa ni Lorenzana kaninang ala-1:00 ng madaling araw mula sa kaniyang biyahe sa abroad.
Nilinaw din ni Andolong na wala pa ang Pangulong Rodrigo Duterte na mangyari ang insidente.
” Sa pagkaka-alam ko wala pa si Pangulong Duterte, parang si Manila Mayor elect Honey Lacuna ang nandudon katabi niya,” pahayag ni Director Andolong.