-- Advertisements --

Nanindigan ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na may bitbit silang kaukulang warrant of arrest sa ginawang search operations laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Giit ni CIDG Director Robert Alexander Morico II na handa nilang ipakita ang warrant kung kakailanganin.

Kinumpirma rin ni Morico na ang hawak nilang utos ng pag-aresto ay nagmula sa International Criminal Court (ICC).

Saad pa ng CIDG Director, lubos ang naging kooperasyon ng mga lokal na opisyal at ng mga mismong may-ari ng bahay.

Ginawa ng CIDG chief ang pahayag matapos isapubliko ni Nancy dela Rosa, asawa ng senador, ang post ng isang kaibigan na kumukwestyon sa pagpasok ng mga awtoridad sa mga pribadong ari-arian nang walang warrant.

Ayon sa post, nang tanungin ang joint operatives ng CIDG at National Bureau of Investigation (NBI) kung may warrant sila, sumagot umano ang mga ito na “hindi na kailangan.”

Pahayag naman ni Morico, mataas ang respeto niya kay Mrs. Dela Rosa at nauunawaan ang kaniyang emosyon bilang maybahay. Gayunpaman, ang mga lokal na opisyal at may-ari ng bahay ang makakapagpatunay na naging propesyonal ang mga awtoridad.

Dagdag pa niya na kung may nagawang paglabag sa protocol, maaari silang maghain ng pormal na reklamo sa National Police Commission (NAPOLCOM) o sa Internal Affairs Service (IAS).

Maaalala, nitong Miyerkules, sabay-sabay na naglunsad ng apat na operasyon ang CIDG at NBI, kung saan dalawa dito ay sa Parañaque City, isa sa Bulacan, at isa sa Pampanga upang hanapin ang mambabatas.

Ayon sa CIDG Director, ginalugad ang mga lugar na ito dahil kilala itong konektado sa senador at pinaniniwalaang doon siya nagtatago.

Sa ngayon, tikom ang bibig ni Morico na kumpirmahin kung may indikasyong nagtungo roon si Dela Rosa habang patuloy pa ang imbestigasyon. Hindi rin niya sinagot kung ang mga bahay ay pagmamay-ari ng mga dating opisyal ng pulisya o dating kongresista, at sa halip ay nagpasalamat na lamang sa mga nagbukas ng pinto sa kanila.