Hinimok ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. si Pastor Apollo Quiboloy na sumunod sa inilabas na congressional subpoena at pina-alalahanan ito na walang mas mataas sa batas.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara sinabihan ni Gonzales si Quiboloy na dumalo sa pagdinig ng ng House committee on legislative franchises na nakatakda sa March 16,2024.
Dahil ilang beses ng hindi pagsipot at pagaharp sa house panel, pinadalhan na ng subpoena ng Komite si Quiboloy.
Tinatalakay kasi ngayon ng Komite ang resolusyon kaugnay sa revocation sa legislative franchise ng Sunshine Media Network International (SMNI) na pinaniniwalaang pag-mamay-ari ni Quiboloy.
Layon ng mga panel members na tanungin ng diretsahan si Quiboloy hinggil sa kaniyang involvement sa SMNI gayong sinasabi ng kaniyang mga abugado na siya ang “honorary chairman.”
Imbes na kumpirmahin ni Quiboloy ang kaniyang pagdalo sa pagdinig ng Komite, binanatan pa nito at inakusahan Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez na umanoy nakikipag-sabwatan sa United States para siya dukutin o i-assassinate.
Sa ngayon wala pang pahayag ang Pangulong Marcos sa banat ni Quiboloy at maging si First Lady Liza Marcos.
Sa panig naman ni Speaker Romualdez, sinabi nitong walang basehan ang mga nasabing akusasyon.
Ayon naman kay Gonzales ang pahayag at aksiyon ni Quiboloy ay nagpapakita na siya ay desperado, lumulihis sa isyu at tila ayaw kilalanin ang ipinadalang subpoena.
Dahil dito pina-alalahanan ni Gonzales si Quiboloy na dumalo dahil handa ang Kamara na ipatupad ang batas at siya ay i-contempt at ipa-aresto.
“No one is above the law. Pastor Quiboloy is not exempt from the law,” pahayag ni Gonzales.
Ang subpoena ay nilagdaan ni Speaker Romualdez, Committee on Legislative Franchises Chair and Parañaque City 2nd Dirstrict Rep. Gus S. Tambunting, at House Secretary General Reginald Velasco.