Natanggap na ng Korte Suprema ang ikalawang petisyon na humihiling para sa temporary restraining order (TRO) sa canvassing ng Kongreso sa mga boto at proklamasyon bilang pangulo kay Bongbong Marcos.
Sa 75 pahinang petisyon ng grupo, hinihimok din ang SC na ideklara ang kandidato na may pinakamaraming votes na si VP Maria Leonor Gerona Robredo bilang panalo sa katatapos na halalan kung mabaliktad ang ruling ng Comelec.
Ang mga petitioners na naghaing ikalawang petisyon ay pinangungunahan nina Bonifacio Parabuac Ilagan, Saturnino Cunanan Ocampo, Maria Carolina Pagaduan Araullo, Trinidad Gerilla Repuno, Joanna Kintanar Carino, Elisa Tita Perez Lubi, at Liza Largoza Mazan na pawang mga miyembro ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) kasama ang martial law survivors, religious at youth rights advocates,
Ayon sa SC, ang unang petisyon na inihain noong Mayo 16 ay na-assign sa isang hukom na magsasagawa ng inisyal na pagsisiyasat at magsusumite ng rekomendasyon sa plea para sa temporary restraining order.
Sa kanilang petisyon, inihayag ng mga ito na bigo raw si Marcos na maghain ng kaniyang income tax returns sa apat na magkakasunod na taon noong siya ay nanunungkulan pa bilang bise gobenador at gobernador ng Ilocos Norte mula noong taong 1982 hanggang 1985 na hindi maituturing na isang simpleng omission lamang.
Inaasahan na ang ikalawang petisyon ay consolidated sa unang kaso.
Subalit ngayon ang justice na in-charge sa naturang petisyon ay hindi pa nagsusumite ng plea for TRO sa unang petition.