Patuloy ang panawagan ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) na suportahan ang laban ng Gilas Pilipinas sa ika-anim at huling window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Gagawin kasi sa Philippine Arena ang laban ng Gilas kontra sa Lebanon sa Pebrero 24 at sa Pebrero 27 naman ay ang laban nila kontra sa Jordan.
Ito ang unang pagkakataon muli ng Gilas na maglaro sa Philippine Arena matapos ang naganap na kaguluhan nila sa Australia noong Hulyo 2018.
Magsisimula na rin sa Enero 8 ang pagbebenta ng ticket ng laro kung saan ang pinakamahal na ticket ay nagkakahalaga ng P16,300 habang ang courtside VIP ay nagkakahalaga ng P9,800 at ang pinakamura naman ay nasa P100.
Kahit na qualified na ang Gilas bilang isa sa host countries ng World Cup ay nais nilang maiangat ang puwesto sa Group E na mayroong limang panalo at tatlong talo.
Noong Agosto 25, 2022 ay tinalo sila ng Lebanon 85-81 habang nagwagi naman sila kontra sa Jordan noong Nobyembre 10 sa score na 74-66.