CENTRAL MINDANAO – Tatlo katao ang hinuli ng militar na may dalang maraming bala sa loob ng kanilang sasakyan sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy, namataan ng mga tauhan ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army ang tatlo na kahina-hinala ang ikinikilos na sakay ng gray Honda Civic na may plakang YDP-800 sa bahagi ng Shariff Saydona, Mustapha, Maguindanao.
Nang usisahin ng mga sundalo ang loob ng kotse tumambad sa kanila ang isang kahon na may laman na 6,000 rounds ng bala ng M16 armalite rifles.
Dahil walang naipakitang papeles ang mga suspek ay agad itong hinuli.
Marami ang naniniwala na posibleng dadalhin ng tatlo ang mga bala sa kuta na BIFF na halos paubos na ang kanilang mga bala sa kalat-kalat nitong sagupaan sa militar.
Tumanggi muna ang pulisya at militar na isapubliko ang pagkakilanlan ng mga suspek dahil patuloy pa itong iniimbestigahan.