Pormal nang nagsimula ang “transition of powers” sa pagitan ni outgoing Vice President Leni Robredo at Vice President-elect Sara Duterte.
Ito ang kinumpirma ni Liloan Mayor Christina Frasco, ang spokesperson ni Sara.
Aniya, ang vice president-elect “ay pormal na nakipag-ugnayan sa Office of the Vice President na may layuning matiyak ang maayos, at komprehensibong paglipat.”
Tiniyak naman ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, na patuloy ang paghahanda para sa turnover.
Babalik si Robredo sa bansa sa susunod na linggo mula sa New York kung saan siya dumalo sa graduation ng kanyang bunsong anak na si Jillian.
Samantala, inihahanda na ang San Pedro Square sa Davao City para sa inagurasyon ni Duterte bilang vice president-elect sa Hunyo 19.
Sinabi rin ni Frasco na pormal na ring nakipag-ugnayan si Duterte sa Office of the Secretary ng Department of Education.
Malugod naman na tinanggap ni outgoing Education chief Leonor Briones ang appointment ni Duterte at nangakong magtrabaho para sa maayos na paglipat ng pamunuan ng DepEd.