Siniguro ng Department of Agriculture (DA) ang sapat na agricultural inputs at assistance na nakahanda para sa mga magsasakang apektado sa pananalasa ng bagyong Crising at habagat.
Ayon sa DA Disaster Risk Reduction Management Operations Office, nakahanda ang mga binhi ng palay, mais, at mga high value crops na maaaring ipamigay sa mga magsasakang apektado.
Sapat din ang supply ng mga livestock at mga hayop na maaaring ipamahagi, kasama ang mga biologics na nasa nasa regional field office ng DA.
Para sa mga apektadong magsasaka, maaaring mag-loan ang mga ito ng hanggang P25,000 mula sa Survival and Recovery (SURE) Loan Program sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon, at walang ipapataw na interest.
Naghahanda na rin ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa pag-validate sa mga sakahang apektado ng malawakang pagbaha at pag-ulan upang maihanda ang akmang halaga para sa mga una nang nakapag-insure ng kanilang mga sakahan.
Nananatili ring available ang Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon at recovery ng mga sakahang apektado.
Ayon sa DA – DRRMO, magpapatuloy ang pagsubaybay nito sa mga field office na direktang nagsasagawa ng field validation sa mga apektadong sakahan.