-- Advertisements --

Nanawagan si Majority Leader Sandro Marcos kay Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na umuwi sa bansa sa gitna ng mga alegasyong sangkot ito sa iregularidad sa mga proyektong flood control ng gobyerno at umano’y pamimilit nito sa pamahalaan na bigyan ng import permit ang negosyo niyang pangisdaan.

Sinabi ni Marcos na siya na unang magsasabi na dapat umuwi si Zaldy Co  at harapin ang lahat ng alegasyon dahil sobrang bigat na ng mga isyu at nadadamay na ang Kamara.

Kung maalala ibinunyag ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya na  humihingi umano si Co ng 25% komisyon mula sa mga proyekto ng gobyerno. 

Nitong linggo lamang, inakusahan din siya ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na pinilit umano siyang maglabas ng import permit para sa tatlong kumpanyang pagmamay-ari ni Co na may kinalaman sa importasyon ng isda.

Gayunman, nilinaw ni Marcos na wala sa kapangyarihan ng Kamara na pilitin si Co na humarap sa House of Representatives.

Inihayag din ng majority leader posibleng iharap si Co sa Ethics Committee kung lalabis ang kanyang mga pagliban at maaari siyang ma-expel bilang miyembro ng Kamara—katulad ng nangyari kay dating Negros Oriental Rep. Arnie Teves.