-- Advertisements --

Samahan ng Manggagawa sa Industriya ng Live Event -)(SMILE), isinusulong ang proteksyon at mas matatag na kabuhayan para sa live events workers

Quezon City, Philippines — Mas malinaw na labor standards, social protection at mga oportunidad para sa tuloy-tuloy na trabaho ang nais isulong ng SMILE para sa mga manggagawa sa live events industry, partikular ang mga project-based at freelance workers.

Ayon sa grupo, mahalagang magkaroon ng mekanismo na makatutulong sa workers na manatiling may kabuhayan kahit natatapos ang isang production project.

Kabilang sa mga umaasa sa project-based work ang stagehands, technicians, riggers, production assistants, drivers, suppliers, performers at iba pang personnel na bumubuo sa isang live event.

Dahil nakadepende sa mga proyekto ang kanilang trabaho, maaaring mawalan agad ng pagkakakitaan ang ilang workers matapos ang concert, festival, corporate event o iba pang production.

Registry para sa skilled workers
Isa sa mga mungkahi ng SMILE ang pagtatatag ng national industry registry para sa mga kwalipikadong manggagawa sa live events.

Maaaring ilista rito ang kanilang specialization, experience at training upang makatulong sa job matching at mas mabilis na pagkonekta ng skilled workers sa mga available na proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kasabay nito, nais ding palakasin ang skills training at certification programs para sa technical at production roles.

Iginiit ng grupo na hindi naman layunin ng panukala na baguhin ang project-based nature ng industriya.

Sa halip, nais nitong mapanatili ang flexibility ng live events habang nabibigyan ang workers ng mas maraming pagkakataon na makahanap ng panibagong trabaho kapag natapos ang isang production.

Mas madaling access sa social protection
Binigyang-diin din ng grupo ang pangangailangang mapalawak ang access ng freelance at project-based workers sa SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, insurance at iba pang social protection programs.

Kabilang sa mga isinusulong ang portable benefits system, kung saan maaaring magpatuloy ang benepisyo ng isang worker kahit magtapos na ang kanyang kontrata o lumipat siya sa ibang project.

Layunin nitong mabawasan ang agwat sa proteksyon sa pagitan ng regular at project-based workers.
Safety standards, overtime at timely payment.

Bukod sa job security, nais ding magkaroon ng mas malinaw na pamantayan sa working conditions sa industriya.

Kabilang dito ang working hours, overtime arrangements, kontrata, compensation at timely payment.

Mahalaga rin, ayon sa grupo, ang occupational safety dahil may mga production worker na humaharap sa panganib mula sa pagtatrabaho sa mataas na lugar, electrical systems, heavy equipment, rigging, transport at overnight setup at dismantling.

Iminumungkahi ang industry-specific safety standards, sapat na training at malinaw na accountability kapag hindi nasusunod ang mga itinakdang pamantayan.

Professionalization ng industriya
Para sa SMILE, makatutulong din ang mas organisadong training at certification pathways sa professionalization ng live events workforce.

Bukod sa pagbibigay ng mas malinaw na career development para sa workers, maaari rin itong makatulong sa pagpapataas ng production standards at pagkilala sa skills ng Filipino technical at production personnel.

National dialogue para sa sektor
Iminumungkahi rin ng grupo ang pagkakaroon ng regular na national dialogue na lalahukan ng mga manggagawa, production companies, event organizers, suppliers, performers at kinauukulang government agencies.
Layunin nitong mabuo ang mga polisiya at programa batay sa aktuwal na kalagayan ng mga taong nagtatrabaho sa live events industry.

Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, nais ng SMILE na magkaroon ng mas malinaw na balanse sa pagitan ng flexibility na kailangan ng live events industry at ng seguridad, proteksyon at professional development na kailangan ng mga manggagawa nito.