-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na tuloy pa rin ang kanilang salary increase na nakapaloob sa proposed 2021 national budget.

Ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, nasa P475-bilyon ang inilaan para sa mga serbisyo ng ahensya kabilang na ang sahod, allowance at mga benipisyo ng kanilang mga empleyado.

“By next year meron naman pong salary increase. Ito ‘yung second tranche noong Salary Standardization Law,” wika ni Sevilla.
“Meron pong kasiguraduhan sa ating mga guro na naka-employ ngayon,” dagdag pa nito.

Kung ihahambing sa 2020 budget, ipinaliwanag ni Sevilla na tumaas ng 13.54% ang pondo para sa personnel services mula P418.4-bilyon patungong P475.09-bilyon sa 2021.

Nabatid na sa sektor ng edukasyon napunta ang pinakamalaking budget sa National Expenditure Program para sa taong 2021 na may P754-bilyong alokasyon.

Karamihan sa naturang pondo ay mapupunta sa DepEd sa 2021 na may alokasyon na P606.4-bilyon.