-- Advertisements --

Inaasan ang isang magandang laban sa women’s tennis sa pagtatapat nina Alex Eala at Leylah Fernandez sa unang round ng Porsche Tennis Grand Prix ngayong Lunes, sa Stuttgart, Germany. 

Gaganapin ang laban sa Porsche Arena sa hapon (oras sa Germany), na inaasahang magiging kapana-panabik dahil ito ang kauna-unahang pagtatagpo ng dalawang kaliweteng manlalaro na kapwa itinuturing na mga rising stars sa world tennis.

Si Eala, 20 anyos, ay patuloy na gumagawa ng pangalan sa international tennis matapos maabot ang career-best ranking na No. 29 sa Women’s Tennis Association (WTA).

Kamakailan, umabot si Eala sa second round ng Upper Austria Ladies Linz Open bago matalo kay Jelena Ostapenko, dating French Open champion.

Habang si Fernandez, 23 anyos, na may dugong Pilipino ngunit kumakatawan sa Canada, ay kasalukuyang nasa mas mataas na ranking na No. 25 at umabot na sa career-best No. 13.

Nakilala siya bilang runner-up sa US Open 2021 kung saan siya natalo kay Emma Raducanu.

Mayroon din siyang limang WTA titles kumpara sa isa ni Eala, dahilan upang siya ang itinuturing na paborito sa kanilang duelo.

Samantala, napasok ni Eala ang main draw sa Stuttgart bilang kapalit ni Zheng Qinwen, na umatras dahil sa injury. 

Ang magaganap na laban ay magsisilbing paghahanda ng dalawa para sa prestihiyosong French Open sa Paris na magsisimula sa Mayo 24.

Ang mananalo sa kanilang laban ay haharap sa alinman kay Jasmine Paolini o isang qualifier sa susunod na round.

Bukod kina Eala at Fernandez, tampok din sa torneo ang ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo kabilang sina, Elena Rybakina (World No. 2), Coco Gauff (World No. 3) at Iga Swiatek (World No. 4), Elina Svitolina, Mirra Andreeva, Karolina Muchova, Ekaterina Alexandrova

Sa unang salpukan pa lamang, inaasahan nang magbibigay ng matinding laban sina Eala at Fernandez, isang sagupaan na may halong pride, talento, at paghahanda para sa mas malalaking torneo sa clay season.