BAGUIO CITY – Nakakatanggap ng papuri ang dalawang boarding house owners sa La Trinidad, Benguet, dahil sa kanilang mabuting gawain sa gitna ng enhanced community quarantine dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa social media account ni Mr. Emmanuel Ayban mula Balili, La Trinidad, inihayag niyang hindi na niya sisingilin ang renta ng lahat ng kanyang mga boarder o tenants para sa panahon ng March 15 hanggang April 15.
Inihayag din ni Mr. Keith Damogo mula Pico, La Trinidad, ang kaparehong hakbang.
Kasabay nito, hinikayat ni Damogo ang iba pang mga nagpapaupa sa hindi na rin pagsingil ng mga ito sa isang buwan na renta ng kanilang boarders para sa ikabubuti ng lahat.
Samantala, taos pusong nagpapasalamat ang lokal na pamahalaan ng Baguio City sa mga indibidwal at business establishments na nagbigay tulong o donasyon para sa kampanya laban sa COVID-19.
Ayon kay City Mayor Benjamin Magalong, nagbigay ang isang sikat na club sa Baguio ng higit 230 pieces assorted bread na ipinamahagi sa mga pulis at city personnel na nagsisilbing frontliners.
Ipinamahagi naman ng isang negosyante ang 150 rain boots para sa mga nangongolekta ng mga basura, 200 sacks ng bigas at 200 boxes ng noodles sa lahat ng mga barangay ng lungsod.
Samantala, nagpapasalamat din ang Abra Provincial Hospital sa “good samaritan” na nagbigay ng kape at coffeemaker para sa lahat ng mga health workers na frontliners sa kampanya kontra COVID-19.
Maliban dito, isa namang nurse ng Seares Memorial Hospital sa Abra ang nagbigay ng isang karton ng calamansi matapos magkulang na ng mga vitamins sa mga drug stores doon.