CEBU CITY – Tinuldukan na ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ang plano nitong mas maluwag na protocol sa turismo sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng bagong Executive Order No.12 na inilabas nitong Lunes, hindi na kailangan ang negative RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction test mula sa mga turistang na galing sa ibang probinsya.
Tanging valid medical certificate na iniisyu pitong araw bago ang biyahe; pre-booking sa mga hotel and resort accommodation na sakop ng lalawigan; at makapasa sa symptoms checking papasok sa probinsya galing sa airport, pantalan, at terminal, na lang ang kailangan buuin ng mga nagpaplanong magbakasyon sa Cebu.
Kabilang ito sa hakbang ni Gov. Garcia na muling buhayin ang ekonomiya sa probinsya sa pamamagitan ng turismo sa kabila ng tumataas na kaso ng coronavirus sa lalawigan.
Kamakailan lang ay inihayag ng 65-year-old governor na hindi nito pahihintulutan ang suhestiyon na muling ipasailalim sa lockdown sa Cebu.
“Don’t mess with us, I will no longer allow another lockdown in Cebu. I will fight para sa mga sugboanun”, ani Garcia.
Dahil dito, Cebu pa lang ang kauna-unahang probinsya sa Pilipinas na hindi na humihingi ng negative RT-PCR test sa mga papasok na turista sa kahit hindi pa tapos ang pandemya.
Batay sa pinakahuling datus ng Department of Health-7, umabot na sa 9,616 ang total case ng lalawigan at 1,211 nito ay mga active cases.