Binabantayan ngayon ng state weather agency ang isang napakalakas na bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ang Super Typhoon Sinlaku ay huling namataan kaninang alas-tres ng madaling araw sa layong 2,580 kilometro silangan ng Visayas.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 205 kilometro kada oras malapit sa gitna, at bugso na umaabot hanggang 250 kilometro kada oras. Kumikilos ito sa direksyong kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Sa ngayon, wala pang direktang epekto sa bansa ang bagyong Sinlaku, ngunit patuloy itong binabantayan dahil sa lakas at posibleng impluwensya nito sa susunod na mga araw.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling nakatutok sa mga abiso ng state weather agency at maging handa sa anumang pagbabago ng sitwasyon.
Samantala, nananatiling nakakaapekto ang ridge ng High Pressure Area (HPA) sa hilagang Luzon, na nagdudulot ng mainit at maalinsangang panahon sa malaking bahagi ng bansa.
















