Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama sina Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Chie Atienza, at negosyanteng Teresita Sy-Coson, ang pamamahagi ng 1,000 sako ng libreng bigas sa ilalim ng programang “Biyayang Bigas para sa Maynila.”
Agaw pansin naman nang gawing tila dumbell ng Pangulo ang isang sako ng bigas bago iabot sa recipient nito.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga manggagawa mula sa retail, janitorial, security, maintenance, at food service sectors. Bahagi ito ng mas malawak na inisyatiba ng administrasyon upang magbigay ng agarang tulong sa mga pamilyang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Tinatayang mahigit 80,000 pamilyang Manileño ang nakinabang sa loob ng anim na buwan, kung saan bawat pamilya ay makatatanggap ng tig-10 kilo ng bigas.
Ang pondo na nagkakahalaga ng P286 milyon ay inilaan mula sa Financial Assistance to Local Government Units ng Office of the President.
Ayon sa pamahalaan, layunin ng programa na hindi lamang maibsan ang bigat ng mataas na presyo ng bilihin, kundi suportahan din ang lokal na mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng bigas mula sa lokal na produksyon.
Sa harap ng global na tensyon sa Gitnang Silangan na nagdudulot ng pagtaas sa presyo ng langis at iba pang bilihin, tiniyak ni Pangulong Marcos na palalawakin pa ang rice subsidy programs sa iba pang lungsod at probinsya upang mas maraming Pilipino ang makinabang.
















