-- Advertisements --

Nagpulong sina Executive Secretary Ralph Recto at Chinese Ambassador Jinq Quan noong Martes, Abril 14, upang talakayin ang pangkalahatang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Sa ginanap na courtesy call, binigyang-diin ng Embahador ang muling pagsisimula ng mga diyalogo na may layuning paigtingin ang bilateral relations ng dalawang bansa. Nagpahayag din si Amb. Jinq ng pag-asa na mas marami pang pagbisita ang magaganap ngayong taon upang maghatid ng positibong senyales sa relasyon ng Maynila at Beijing.

Kabilang sa mga tinalakay sa pulong ang pagpapalakas ng turismo, people-to-people exchanges, at ang pagdaragdag ng mga direktang flight sa pagitan ng mga lungsod sa Pilipinas at Tsina. Binigyang-diin din ang kooperasyon sa paglaban sa mga transnational crime, ugnayang pang-ekonomiya, at ang kasalukuyang sitwasyon ng enerhiya sa rehiyon.

Bilang paghahanda sa hinaharap, natalakay din ang Chairmanship ng Pilipinas sa ASEAN at ang pamumuno naman ng Tsina sa APEC para sa taong 2026. Kapwa nagpahayag ang dalawang panig ng suporta para sa tagumpay ng mga nasabing kaganapan.

Kasama ni ES Recto sa pagpupulong sina SDES Maria Luwalhati Dorotan Tiuseco, Usec. Facundo Palafox IV, at Usec. Erwin Sta. Ana mula sa Office of the Executive Secretary. Dumalo rin sina DFA Usec. Maria Andrelita Austria at Deputy Assistant Secretary Princess Tomas.