Tumaas ng 6.39% ang kabuuang kita ng gaming industry sa Pilipinas noong 2025, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Batay sa datos ng PAGCOR, umabot sa P396.14 billion ang gross gaming revenues (GGR) noong 2025, mas mataas kumpara sa P372.33 billion noong 2024. Ang pagtaas ay pangunahing dulot ng paglago ng online at electronic gaming.
Ayon sa PAGCOR, ang e-games at online gaming segment na kinabibilangan ng e-bingo at iba pang digital betting platforms ay lumago ng 30.44% at umabot sa P201.12 billion.
Dahil dito, ito na ngayon ang pinakamalaking bahagi ng kita ng industriya, na kumakatawan sa 50.77% ng kabuuang GGR.
Samantala, bumaba naman ang kita ng mga traditional o brick-and-mortar casinos ng 9.58% sa P182.50 billion, habang ang PAGCOR-operated casinos ay bumagsak din ng 20.95% sa P12.52 billion.
Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco, malinaw na nagbago na ang industriya dahil ang online gaming na ang pangunahing nagtutulak ng paglago, hindi na lamang isang supplementary segment.
Ipinaliwanag din niya na bagama’t nagkaroon ng pansamantalang pagbaba noong ikatlong quarter ng 2025 dahil sa mga pagbabago sa digital payment systems, nakatulong ito sa mas mahigpit na regulasyon, mas ligtas na transaksyon, at mas mataas na kumpiyansa sa industriya.













