Sinentensiyahan ng anim na buwang pagkakakulong ang American livestreamer na si Johnny Somali matapos mapatunayang nagkasala sa mga kasong kaugnay ng public nuisance at pagpapakalat ng sexual deepfakes sa Seoul.
Ayon sa korte ng South Korea, lumabag ang 25-anyos na may tunay na pangalang Ismael Ramsey Khalid matapos siyang mag-post ng video kung saan hinahalikan niya ang isang estatwang sumisimbolo sa mga biktima ng World War II sexual slavery at nagsagawa rin umano ng hindi angkop na kagawian sa naturang memorial.
Sinabi ng hukuman na paulit-ulit umanong gumawa ng mga bastos na gawain ang akusado na nakakaapekto sa publiko na ang gawain ay upang kumita sa pamamagitan ng kanyang online content.
“The defendant repeatedly committed crimes against unspecified members of the public to generate profit via YouTube and distributed the content in disregard of Korean law,” ayon sa desisyon ng korte.
Mas mababa ito kaysa sa hiling ng prosekusyon na tatlong taong sentensiya. Bukod sa pagkakakulong, pinagbawalan din si Khalid na makipagtrabaho sa mga organisasyong may kinalaman sa mga menor de edad at persons with disabilities sa oras ng kanyang paglaya.
Si Khalid ay nakilala bilang kontrobersyal na content sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Japan at Israel, kung saan inirereklamo rin siya ng mga lokal dahil sa umano’y pangha-harass at paglabag sa pampublikong kaayusan.
Sa South Korea, una na rin siyang pinigilan na umalis ng bansa habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kanyang mga kaso.










