-- Advertisements --

Nangako ang Japan na maglalaan ng $10 billion (o katumbas ng PhP600-B) upang tulungan ang mga bansang Asyano, partikular sa South East Asia, na makakuha ng enerhiya kabilang ang crude oil sa gitna ng krisis na dulot ng digmaan sa Iran.

Inanunsyo ni Prime Minister Sanae Takaichi ang bagong cooperation framework matapos ang online meeting kasama ang iba pang Asian leaders.

Binanggit ni Takaichi na umaasa ang Japan sa South East Asia para sa petroleum-derived products, lalo na sa medical equipment, at iginiit na malapit ang ugnayan ng Japan sa mga bansang Asyano sa pamamagitan ng supply chains.

Layunin ng cooperation framework na tulungan ang mga bansa sa Asya na makakuha ng crude oil at petroleum products, mapanatili ang supply chains, at palawakin ang stockpiles.

Ayon sa Japan’s foreign ministry, ang $10-B financial aid ay katumbas ng halos isang taong crude oil imports ng mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ang inisyatiba ay tinanggap ng mga lider mula sa Pilipinas, Malaysia, Singapore, Thailand, Vietnam, Bangladesh, at South Korea, at popondohan ng mga institusyong gaya ng Japan Bank for International Cooperation, Nippon Export and Investment Insurance, Japan International Cooperation Agency, at Asian Development Bank.

Sa summit, nanawagan si President Ferdinand Marcos Jr. na buhayin ng ASEAN ang fuel-sharing pact, at binigyang-diin na walang bansang Asyano ang makakaiwas sa supply chain shocks kung kikilos nang nag-iisa.