-- Advertisements --

Inilatag ng Maharlika Investment Corporation o MIC ang mga pangmatagalang solusyon upang maprotektahan ang Pilipinas sa mga susunod na krisis sa langis. 

Sa pagdinig ng LEAD Joint Committee sa Kamara, ipinaliwanag ni MIC President at CEO Rafael Consing Jr. na mahalagang magkaroon ang bansa ng sariling estratehiya sa pag-iimbak ng petrolyo at mas matatag na imprastraktura sa kuryente.

Bilang medium-term na solusyon, iminungkahi ni Consing ang pagbuo ng isang consortium kasama ang PNOC at pribadong sektor upang magtayo ng mga tank farm o imbakan ng langis. 

Sa ilalim ng planong ito, ang PNOC ang magbibigay ng lupa, habang ang Maharlika at mga pribadong investor ang maglalabas ng kapital para sa konstruksyon. 

Layunin nitong palakasin ang reserba ng bansa sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon nang hindi direktang nalalagay sa panganib ang pondo ng bayan sa pabago-bagong presyo ng produktong petrolyo.

Para naman sa long-term na plano, tututukan ng Maharlika ang pag-upgrade sa electricity infrastructure, partikular na sa Mindoro at Palawan na lubos na umaasa sa diesel para sa kuryente. 

Sinabi ni Consing na nagkaroon na sila ng kasunduan sa Mindoro upang ayusin ang kanilang transmission loop at lagyan ng redundancy para maiwasan ang malawakang blackout sa buong isla kung sakaling may isang bahagi ng grid na pumalya.

Binigyang-diin din ni Consing ang kahalagahan ng paglipat sa renewable energy upang mabawasan ang pagdepende sa imported na fossil fuel.

Sa katunayan ay lumagda na ang Maharlika sa isang Memorandum of Understanding kasama ang ACWA Power mula sa Saudi Arabia upang pag-aralan ang mga oportunidad sa malinis na enerhiya. 

Ayon kay 4K Party-list Rep. Iris Marie Demesa Montes, ang pondo ng Maharlika ay dapat magsilbing kalasag laban sa krisis at binhi para sa pangmatagalang katatagan ng bansa.