-- Advertisements --

Tinawag ni Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-List Rep. Leila de Lima na “offensive” at “unfair” ang naging pahayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na umano’y sangkot ang lahat ng kongresista sa “vote buying.”

Ayon kay De Lima, hindi sapat na basta na lamang burahin o i-strike out mula sa rekord ang naturang alegasyon. Giit niya, dapat ay personal na bawiin ni Leviste ang kanyang naging pahayag.

Nag-ugat ang isyu matapos ang alegasyon ni Leviste na may kinalaman umano ang ilang kongresista sa vote buying, bagay na agad umani ng reaksyon mula sa ilang miyembro ng Kamara de Representantes.

Nang muling bigyan ng pagkakataon si Leviste, nilinaw nito na hindi lahat ng mambabatas ay sangkot sa vote buying at kalaunan ay nag-withdraw ng kanyang sweeping claim.

“First I would like to clarify that I meant that there are some, but not all — and there are many members of Congress who do not violate election laws, so please do not consider that I said that all, and I definitely withdraw that there are,” saad ni Leviste.

Samantala, kinuwestiyon din ng ilang mambabatas ang basehan ng mga alegasyon ni Leviste laban kay Executive Secretary Ralph Recto at iba pa, kabilang ang sinasabing malaking campaign spending sa Batangas. Giit ng kampo ni Recto, walang batayan ang mga paratang, at tinawag pa siyang “liar” sa isang naunang pahayag.

“I am not a liar, I do not want to play coy with the people, all of us here in the plenary have knowledge that vote-buying is rampant and it reaches millions of pesos on average and sometimes billions for the campaign of candidates in the Philippines,” paliwanag ni Leviste.

“That’s why anyone who would stand here and say that I am telling lies, that candidates here in the plenary of Congress now are spending hundreds of millions, I would not be ashamed to say that they are the ones lying,” dagdag ng batang mambabatas.

Sa ngayon, ini-refer na ng plenaryo sa Committee on Rules ang usapin kaugnay ng mga naging pahayag ni Leviste upang masuri at mabigyan ng kaukulang aksyon.