“Missioned accomplished” na maituturing ang pinakahuling rotation and resupply mission ng mga militar sa tropang nakabase sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Ito ang inanunsyo ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla kasunod ng matagumpay na paghahatid ng supply sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Col. Padilla na naging “flawless” o walang aberya ang pagkalahatang itinakbo ng barko ng Pilipinas na nagdala ng mga supply sa naturang lugar.
Ibig sabihin ay walang naranasang anumang resistance mula sa panig ng China ang mga tropa sa kasagsagan ng pagsasagawa ng naturang misyon.
Samantala, sa ngayon wala pang inilalabas na iba pang mga karagdagang detalye ang AFP hinggil sa naturang rotation and resupply mission na isinagawa nito.
Matatandaang una nang iginiit ng Hukbong Sandatahan na hindi kinakailangang humingi ng permiso ng Pilipinas sa alinmang mga bansa kaugnay sa pagsasagawa nito ng mga operasyon at misyon sa mga lugar na nasasakupan ng ating teritoryo partikular na sa West Philippine Sea.
Ang pahayag na ito ng AFP ay kasunod ng inilabas na statement ng China Coast Guard na nagsasabing mayroon aniyang naging kasunduan ang Pilipinas at China hinggil sa nasabing isyu.