Kampante si Manila 6th District Representative Benny Abante Jr. na hindi maaapektuhan ang impeachment case ni VP Sara Duterte sa kabila ng kaniyang mga kasalukuyang criminal cases.
Hindi rin aniya maaapektuhan, kahit pa masampahan pa ang pangalawang pangulo ng karagdagang criminal complaints sa hinaharap, hiwalay sa kaniyang mga kaso sa ngayon.
Maalalang kahapon (Sept. 4) ay naglabas na ang isang Regional Trial Court (RTC) sa Quezon City ng warrant of arrest laban sa pangalawang pangulo dahil sa 3 counts of grave threats kasunod ng kaniyang naunang pagbabanta kina Pang. Ferdinand Marcos, FL Liza Marcos, at Rep. Martin Romualdez, halos dalawang taon na ang nakakalipas.
Una ring sinabi ng Ombudsman na sinusuri nito ang ilang alegasyon laban kay VP Sara Dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng kaniyang intelligence funds.
Ang dalawang isyu ay parehong bahagi kalakip ng impeachment case na dinidinig ngayon ng Senate Impeachment Court.
Ayon kay Rep. Abante, hiwalay ang impeachment case laban kay VP Sara Duterte at iba ang kaniyang pananagutan sa impeachment court habang iba rin ang kaniyang pananagutan sa mga korte sa Pilipinas na dumidinig at maaaring didinig pa sa kaniyang criminal cases.
Kasabay nito ay hinamon ni Rep. Abante si VP Sara na humarap sa korte na dumidinig sa kaniyang mga kaso.
Kabilang dito ang trial court at ang impeachment court.
Binalikan ng mambabatas ang ilang beses na hindi pagdalo ni VP Sara sa mga pagdinig ng House of Representatives kahit pa iniimbitahan siyang dumalo – na maituturing aniyang pag-insulto sa proseso ng imbestigasyon at paglilitis.















