Kinumpirma ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Pastor Apollo Quiboloy na kanilang tututulan ang ‘extradition request’ ng Estados Unidos.
Sa panayam kay Atty. Topacio, kanyang sinabi na kanilang kokontrahin ang naturang kahilingan ng Amerika na layon makuha ang kustodiya sa Pastor.
Kahit pa mayroon ‘extradition treaty’ sa pagitan ng dalawang bansa, binigyang diin ng abogado na kinakailangan pa munang matapos ang ‘pending cases’ na kinakaharap ng akusado sa Pilipinas.
“Opo, tututulan po namin on several grounds. One of which is that there is already on-going case,’’ ani Atty. Ferdinand Topacio.
Ayon sa abogado, hinihintay na lamang nila na mapadalhan sila ng ‘summons’ para tumugon sakali man maghain na ng petisyon ang Department of Justice sa hukuman.
Ang patungkol sa usapin, aniya’y alam at napag-usapan naman na nila ito ng kanyang kliyente na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ang naturang pastor ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking, child abuse, at iba pa.
Habang kasong sex trafficking, at sex trafficking ng mga menor de edad naman sa Estados Unidos.















