Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nananatiling matatag at lalo pang lumalalim ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ayon sa Pangulo, walang nagbago sa katayuan ng ugnayan ng dalawang bansa mula nang siya ay maupo sa puwesto.
Sa halip, aniya, ay patuloy itong lumalakas sa pamamagitan ng mas malalim na kooperasyon at suporta sa isa’t isa.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na mahigit isang siglo nang magkaagapay ang Pilipinas at Estados Unidos bilang matatag na magkaalyado.
Aniya, mas naging malawak na rin ang saklaw ng kanilang pakikipag-ugnayan, lalo na sa pag-usbong ng mga bagong teknolohiya na nagbubukas ng panibagong mga larangan ng pagtutulungan.
Dagdag pa ng Pangulo, nananatiling aktibo at matibay ang samahan ng dalawang bansa, at posibleng mas matatag pa ngayon kumpara sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay Marcos, magpapatuloy ang pagpapalakas ng bilateral na relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos upang isulong ang kapwa interes at mas mapalawak ang kooperasyon sa iba’t ibang sektor.
“On our relations with the United States, well, those really have not changed status since I came into office. We just keep growing stronger together. We keep supporting each other, and we have been strong partners for over a hundred years.And we, in that time, our engagements with the United States have become deeper, have become more expansive and now with the new sectors that are being created by the new technologies, we have new areas even to explore. So patuloy lang , it is a strong and it is as active as it has ever been if not more so than before.”
















