Mariing itinanggi ni House Speaker martin Romualdez ang alegasyon na binigyan ng tig P20 million ang mga distrito na makakuha ng mga pirma para isinusulong na Peoples Initiative na layong amyendahan ang 1987 Constitution.
Sinabi ni Speaker Romualdez, walang basehan ang naging pahayag ng kaniyang pinsan na si Senator Imee Marcos at kapatid ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na may inaalok na P20 million sa mga distrito.
Naniniwala si Speaker na posibleng narinig lamang ito ng senadora sa mga marites.
Hinamon din ni Romualdez ang pinsang senadora na patunayan ang kaniyang alegasyon lalo at maraming mga marites o walang basehan na tsismis ang lumalabas sa Senado.
Pinasinungalingan din ni Speaker na nakausap niya ang pinsang senadora sa katunayan hindi sila nagkita nuong holiday season at walang pagkakataon na sila ay nag-usap.
Nilinaw din ni Romualdez na hindi siya nagtatampo kay Sen. Marcos bagkus kaniya itong nirerespeto lalo na sa kaniyang mga opinyon.
Bukas naman si Speaker na makipag usap sa kaniyang pinsan ng sa gayon malinawan ang anumang mga isyu.
Samantala, inihayag din ni Speaker na hayaang mag desisyon ang taumbayan, respetuhin ang proseso ng Peoples Initiative.
Sa kabilang dako, nagsalita na rin si Pangulong Ferdinand Marcos kaugnay sa isyu na suhulan sa pangangalap ng pirma.
Ayon sa Pangulo wala itong katotohan, ang nakarating lamang sa kaniya ay ang pag-alok ng mga serbisyo.