Reading Time: 1 minute

NEW YORK – Wala nang buhay nang matagpuan sa kanyang apartment sa Manhattan ang frontman ng rock band na The Cars na si Ric Ocasek.

Ayon sa New York City police department, tumambad na lamang umano sa mga opisyal na rumesponde sa isang tawag sa 911 ang katawan ng 75-anyos na si Ocasek dakong alas-4:00 ng hapon ng Linggo (local time).

Wala naman umanong senyales na mayroong foul play at tutukuyin pa ng medical examiner ang sanhi ng pagkamatay nito.

Kabilang sa mga sumikat na kanta ng The Cars noong dekada ’70 at 80 ang “Just What I Needed,” ″Shake It Up” at “Drive.”

Nailuklok sa Rock and Roll Hall of Fame ang nasabing banda noong nakalipas na taon.

Noong Mayo 2018, inanunsyo ng model-actress na si Paulina Porizkova ang paghihiwalay nila ni Ocasek bilang mag-asawa matapos ang 28 taon.

Unang nagtagpo ang dalawa sa taping ng music video para sa “Drive.” (AP)