-- Advertisements --

Pinapayagan pa rin makapasok ang mga turista sa Tinglayan, Kalinga, partikular sa Barangay Buscalan kung saan matatagpuan ang sikat na mambabatok na si Apo Whang-Od, sa gitna ng nagpapatuloy na tribal conflict sa pagitan ng mga tribo ng Butbot at Tulgao.

Ayon kay PMAJ John Vladimir Bawer, hepe ng PNP-Tinglayan, kailangan munang pumirma ng waiver ang mga bisita habang nananatili sa temporary lockdown at travel restriction ang pitong barangay sa bayan.

Ang sigalot ay nag-ugat sa boundary dispute na lalong lumala matapos magbunga ng pagpatay sa isang 70-anyos na magsasaka noong nakaraang taon.

Hindi nasunod ang naunang 90-day ceasefire agreement noong Hulyo ng kasalukuyang taon dahil sa maramihang paglabag mula sa magkabilang tribo.

Naka-deploy na ang mga peacekeeping force habang inilipat sa alternative learning modalities ang mga estudyante at patuloy ang mga hakbang sa pamamagitan ng “Bodong” o tribal peace covenant upang maibalik ang kapayapaan sa lugar.