-- Advertisements --

Matagumpay na naisagawa ng mga mananaliksik ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang balidasyon ng walong ulat at datos ng mga kilalang wika at diyalekto sa Kalinga noong Hunyo 23–26, 2026.

Katuwang ng KWF ang mga Community Service Center ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa Tinglayan, Balbalan, at Tanudan, na tumulong sa pagsusuri ng mga ulat mula sa iba’t ibang komunidad.

Ayon sa ulat, aktibong nakilahok ang walong komunidad ng Kalinga sa pagsusuri ng kanilang language profile, kabilang ang estado at deskripsiyon ng wika, pati na ang pagwawasto ng baybay at bigkas ng mga salita sa kanilang talasalitaan.

Buong suporta rin ang ipinakita ng Pamahalaang Bayan ng Pasil sa pangunguna ni Mayor Atty. Silvestre Mosing, na nagpahayag ng kahandaan na makiisa sa mga susunod pang pananaliksik at dokumentasyon.

Ang proyektong ito ay bahagi ng patuluyang inisyatiba ng KWF upang masaliksik, mabalida, at maisapanahon ang datos hinggil sa mga wika sa bansa.

Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng mga komunidad, naging matagumpay ang balidasyon na magsisilbing mahalagang batayan sa patuloy na pagpapaunlad ng mga wika ng Pilipinas.