KORONADAL CITY – Mas hinigpitan ng South Cotabato PNP ang kanilang seguridad matapos mapatay ang isang kasapi ng Ansar Khalifa Philippines (AKP)-Nilong Group sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay South Cotabato PNP Provincial Director PCol. Jemuel Siason, ito’y dahil inaasahan nilang gaganti ang mga kasamahan ni Ruel alyas Totong Alisin Jr. matapos umanong manlaban makaraang mahuli sa isinagawang operasyon ng mga otoridad.

Nasugatan rin sa nasabing operasyon ang isang pulis na nasa ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.

Ayon kay Siason, mas hinigpitan nila ang entry at exit points upang hindi makakapasok ang anumang kasapi ng AKP.

Nabatid na sangkot ang itinuturing na ISIS-sympathizer group sa carnapping, holdap at ilegal na droga kung saan palipat-lipat umano ang mga ito sa Polomolok.