Tutol ang grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa panawagan ng ilang sektor na magsagawa ng “resign all” at snap elections kung hindi muna maisasakatuparan ang mga kinakailangang reporma sa halalan.
Ayon kay Atty. Atty. Ariel Inton, president ng LCSP, kung sabay-sabay na magbibitiw ang lahat ng opisyal ng gobyerno, “sino ang pansamantalang mamumuno sa bansa?”
Anila, maaaring magdulot ito ng mas matinding kaguluhan at kawalang-direksyon sa pamahalaan.
Nagpahayag din ng pangamba ang grupo na kung ang halalan ay isasagawa sa ilalim ng kasalukuyang sistema, posibleng manalo pa rin ang mga tiwaling opisyal.
Dahil sa patuloy na kahirapan ng mamamayan, vote buying umano ang magiging pangunahing salik sa resulta ng eleksyon.
Para sa grupo, higit na mahalaga ang agarang pagpapanagot sa mga opisyal na sangkot sa katiwalian.
Bagamat kinikilala nila ang kahalagahan ng due process, iginiit nilang hindi dapat maging “overdue process” ito. Inip na raw ang taumbayan sa kabagalan ng hustisya.
Mariing tinutulan ng mga abogado ang pananaw na hindi dapat madaliin ang pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa malawakang korapsyon. Anila, hindi nangangahulugang mahina ang ebidensiya kung mabilis ang proseso.
Patuloy na nananawagan ang LCSP sa mga institusyon ng pamahalaan na unahin ang reporma sa halalan at ang agarang pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa sistema ng hustisya at pamahalaan.