-- Advertisements --

Nagbabala si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia kaugnay sa panukalang snap elections, na lumulutang sa gitna ng mga panawagan para sa agarang pagbabago sa pamahalaan.

Ayon kay Garcia, hindi maaaring isagawa ang snap elections nang walang legal na batayan.

Aniya, kailangan munang amyendahan ang Konstitusyon o magkaroon ng panibagong batas bago maisagawa ang iminumungkahing snap elections.

Ipinaliwanag ni Garcia na ang kasalukuyang Saligang Batas ay hindi nagbibigay ng probisyon para sa snap elections sa ilalim ng normal na kalagayan.

Giit nito, tanging ang regular na halalan at mga sitwasyong may vacancy o impeachment ang may malinaw na mekanismo ng kapalit sa posisyon.

Dahil dito, nanawagan si Garcia sa mga mambabatas na kung seryoso ang panukala, dapat itong idaan sa tamang proseso ng pag-amyenda sa Konstitusyon o paglikha ng bagong batas.

Binigyang-diin niya na ang Comelec ay tagapagpatupad lamang ng umiiral na batas, at hindi maaaring magdesisyon batay sa damdamin o panawagan ng publiko.

Ang panawagang snap elections ay lumitaw sa gitna ng mga isyu ng korapsyon, kawalan ng tiwala sa ilang opisyal, at panawagan para sa malawakang reporma sa pamahalaan.

Gayunpaman, iginiit ni Garcia na ang anumang hakbang patungo sa halalan ay dapat na naaayon sa batas upang mapanatili ang integridad ng demokratikong proseso.